WHAT IS KALESA?



Nais nang KALESA na maging patnubay at kabahagi ng Philippine arts and culture.

Wednesday, November 16, 2016

Ang Alamat ng Saba

By: Ymatruz | Wednesday, November 16, 2016 Category: | |

Nuong unang panahon, sa isang malayong probinsya ay nakatira ang dalagang si Sabing, kasama ang kanyang mga magulang. Napakakinis ng kanyang kutis at siya ay napakaganda. Katamtaman din ang kanyang pangangatawan. Gabi-gabi ay nakapila ang mga binatang nais siyang maging kasintahan.

Kilala si Sabing ng lahat. Ngunit ganun pa man, si Sabing ay hindi palakaibigan dahil mataas ang tingin niya sa kanyang sarili. Iniisip niya na siya ang pinakamaganda sa buong bayan at angat na angat sya sa ibang kabataan.

Tuwing umaga ay nauubos ang kanyang oras sa katitingin sa salamin. Lagi niyang hinihiling sa salamin na sana ay marami ang kagaya niya para magkaroon siya ng kaibigan na kasing ganda nya. Madalas siyang napag-sasabihan ng ina at pilit kinukumbinseng tumulong sa kanya.

"Gusto mo ba akong tulungan na maghukay ng kamote sa bakuran?" sabi ng kanyang ina. "Upang tayo ay may panang-halian." Inilalaga ng kanyang ina ang kamote at nilalagyan ng kaunting asukal.

"Ayaw ko ho, inay at madudumihan ang aking mga kuko," iling ng dalaga.

Sa araw-araw ay ganoon na lamang ang kanilang usapan. Ang kanyang ama ay nag-aararo sa bukid upang magkaroon sila ng pera tuwing anihan. Pagkatapos masunog sa ilalim ng araw ay uuwi ang kanyang ama na pawis na pawis at kapag minsan ay gutom pa. Samantalang si Sabing ay hindi marunong tumulong sa mga gawaing bahay. Hindi man lamang din niya maabutan kahit tubig ang kanyang ama. Hihiling pa siya kung kailan ulit sila makakapagluto ng karne, dahil wika niya ay sawa na siya sa kamote.

Isang hapon ay nainip si Sabing sa loob ng bahay at nagpasyang pumunta sa gubat malapit sa kanilang bahay. Nakita niya roon ang bunga ng isang puno, kulay madilaw-dilaw iyon at mahabang pakurba. Pinitas niya ang isang bunga at kinain ang kapirasong bahagi. Kapagkuwan ay iniluwal at sinabi niyang:

"Ay, ang pakla." Pagkatapos ay itinapon niya ang bunga.

Naglakad-lakad syang muli at kanyang napansin ang kaparehong hugis na bunga ngunit mas maliit. Pagkapitas ay agad niya itong kinain.

"Masarap ang bungang ito ngunit napakaliit masyado," sabi ni Sabing.

Lingid sa kanyang kaalaman, ay pinagmamasdan sya ng diwata ng gubat. Naririnig din ng diwata ang kanyang mga daing at reklamo sa kanilang bahay.

"Upang magkaroon ka ng silbi ay gagawin kitang isang puno na magbubunga ng madami, matamis at katamtamang laki." usal ng diwata. Ngunit magagawa lamang niya iyon kung siya ay hahawakan ni Sabing.

Papauwi na si Sabing ng matapakan ang bungang itinapon nya. Nadulas si Sabing at napahawak sa diwata na nag-anyong puno.

Pagkatapos ng ilang araw ay hanap ng hanap ang ina at ama kay Sabing ngunit hindi nila ito makita. Napansin ng kanyang ama ang bagong sibol na puno ng saging sa gubat.

"Kakaiba ang isang ito," sabi ng kanyang ama. "Iba ang hugis at mukhang matamis."

Nagtulong ang mag-asawa sa pagpitas ng bunga at iniuwi sa kanilang bahay. Nang gabing iyon ay inihain ng kanyang ina ang nilutong kamote at nilagang bunga ng saging. Dahil sabik na sabik sila kay Sabing ay pinangalanan nila ang bunga ng saging na "saba".



SHARE THIS POST:

No comments :