WHAT IS KALESA?



Nais nang KALESA na maging patnubay at kabahagi ng Philippine arts and culture.

Saturday, September 16, 2017

Mahabang Sanaysay: Epoxy, Opisyal na Lahok, 2017 Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, Part 2

By: Ymatruz | Saturday, September 16, 2017 Category:

PART 2 of 2 Basahin ang unang bahagi dito.

Madalas tuwing linggo, nakikita ko si tatay na nagbabasa ng Manila Bulletin sa may tapat ng buhay namin. Naghihiram siya ng dyaryo na itinitinda ng kapitbahay na may-ari ng sari-sari store. Friends naman sila kaya okey lang iyon. Pagkaminsan ay uuwi siya at hahagilapin ang kanyang diksyunaryo. May parte iyon na parang nasunog na or parang inaanay na sa kalumaan ang mga pahina. Ganoon ang gawi niya kaya siguro natuto siya na magsalita at magsulat ng ingles. Lalo na at politika ang pag-uusapan, alam ni tatay ang paligoy-ligoy. Kasi nga ay naiintindihan niya ang nakasulat sa dyaryo. Tuwing eleksyon nga, kung sino ang bet niya, yun din ang iboboto naming magkakapatid.

Bitbit ang mga pangaral ni tatay, kanya-kanya kaming diskarte na magkakapatid sa aming pagtanda. Iba-iba ang landas na tinahak. Iba’t-ibang pangarap. Isang araw ay umuwi ako sa bahay at sinabi kong ako'y natanggap sa abroad. Lumuha si tatay. Yukong-yuko ang ulo habang humahagulhol. Matagal na niya kasi kaming kinukumbinse na umalis ng bansa at baka raw ay doon namin matagpuan ang tagumpay na hindi niya narating.

Isang big dreamer ang aking ama pero dahil sa hikahos din ang buhay na kinalakihan, hindi siya nakatapos kahit highschool. Hindi siya pinalad kagaya namin. Isa din akong dreamer. Pero iyong sa akin ay literal na laging nananaginip. Minsan ay nagtitinda daw ako ng kape at sumigaw ako ng Coffee! dahilan para magising ang aking kabiyak.

Naalala ko din noong ako'y medyo bata pa, nanaginip akong nasa loob daw ako ng eroplano at nakasilip sa bintana nito. Malinaw kong natanawan ang mala-mapa na hugis ng mga isla na kadalasan ay kulay berde, kung hindi man parang kulay puting mga bundok, at ang malawak na karagatan na kulay bughaw. Hindi lang iisang beses ko itong napanaginipan. Minsan pa nga ay ako mismo ang lumilipad. Wow. Parang si Darna na kaliwa't kanang tumitingin sa ibaba ng ulap, nakangiti at dahan-dahan habang sumasampal ang hangin sa aking pisngi. Ang sarap sa pakiramdam. Presko kahit may kalamigan. Kasi ay nakadamit pambahay lamang ako habang nasa alapaap, naka-duster pero – may suot akong mahabang salawal, of course.

Sa mga panaginip kong iyon, madalas akong nagigising na para bang mahuhulog ako sa papag. Ayun pala, sa bawat paglipad ko'y nakasuot ako ng tsinelas at ang aking subconscious mind, of all things ay nag-aalalang baka mahulog ang aking sapin sa paa.


Nang dahil siguro sa mga ganitong panaginip ko kaya ako'y dinala ng tadhana sa ibang bansa. Sabi ko nga sa aking sarili, siguro nga ay tama si tatay. Baka nga ay naroon ang halamang mag-uusbong ng katuparan para sa isang maayos na kinabukasan. Naroon si Mr. Right. Naroon ang pangarap ng aking ama. At kagaya niya, naroon ang ingles na aking bibigkasin pagdating ng araw. Naroon ang bubong na walang butas. Doon ay malulusaw ang alalahanin na gumigising sa akin sa gitna ng gabi dahil sa malakas na ulan.

Nangingibabaw sa akin hindi lang ang dugo ng aking ama. Kundi pati ang kanyang tahimik na adhikain na makabangon mula sa putik ng kahirapan, na siya ring nagmulat sa aming maliliit na kamay. Sa tuwing naaalala ko si Sisang ay bumabalik sa aking isipan ang mga kabiguan ni tatay. Nalulungkot ako ng husto.

Unti-unting akong nagbalik-aral sa balarila ng banyagang bansang aking pinuntahan. Hindi nga naglaon at nakapagsimula akong gumawa nang madami-daming tulang ingles. Iyon kasi ang hilig ko. Mga likhang sapat para makagawa ako ng sarili kong libro. Sapat para magawa ko ang isang bagay na makapagpapasaya sa akin – ang pagsusulat. Isang aklat na galing sa puso at halaw mula sa pagmamahal ko sa aking ama't ina ang aking pilit na tinapos.


i love my father so much
to a great extent i have written
this book about the love i have
for my mother



Pero ang hindi ninyo lang alam, ilang balde ng luha ang aking iniiyak bago ko nagawa ang libro. Napapahinto ako sa tuwing naaalala ko si tatay. Ang mahal kong si tatay. Masaya ko itong ikinuwento kay bunso nang minsang naka-chat ko siya. Ang bilin ko ay sabihin ito kay inay. Sa muli kong pagbabalik sa Pilipinas, sabik akong magkukwento ng aking mga pinagkaabalahan. Gumawa ako ng mga tula, na sa paniniwala ko ay aantig sa puso. Luluha ang kanilang mga mata.

“Isinulat ko ho iyang libro para sa inyo ni tatay,” sabi ko kay inay. “Para sa inyo ni tatay,” ulit ko habang bahagyang nakatakip ang bibig ko ng kaliwa kong kamay. Medyo napabulong. Napalunok ako ng kaunti nang binanggit ko iyon at sabay napatingin sa bunso kong kapatid na excited din sa magiging reaksyon ni inay. Nasa harap sila pareho ng camera at gamit namin ang Facebook sa pagvi-video chat nang mga sandaling iyon.

Ipinabasa ko kay inay ang bahagi ng libro sa may pahinang nakasulat ang:


my mother is a good mathematician
she was able to divide 3 eggs
into 8 mouths equally
everyday



Napansin kong medyo tumulo ang kanyang luha. Pasinghot-singhot siya habang nakayuko at pilit na ikinukubli ang iyak. Hayan na... Tears are coming. Habang pinapanood ko siya ay naglalaro sa isip ko ang mga katagang Kung may hihigit pang ina sa aking inang bayan, iyon ay walang iba kundi ikaw inay. Naghihintay ako ng magandang tyempo sa eksena ng iyakan para sabihin ang mga salitang ito.

Asenso na ang nanay ko at madali nang makaintindi ng ingles. Taob ang beauty ni bunso. Maning-mani lang ang ingles, eh. Bulong ko sa aking sarili habang nangingiti pero ewan at lumabas ito ng kusa sa aking bibig. Narinig syempre ako ni inay.

Hawak ang libro ay tumingin siya sa akin. Tama nga ang aking hinala, umiiyak siya.

Ang galing ko talagang magsulat. Pati si inay, napaiyak ko, yabang ko sa aking alter ego. Pero this time ay bulong lang talaga.

“Hindi naman ako umiyak dahil dito sa nakasulat sa libro mo,” tugon ni inay.

“Ows?” Napahiya ako sa tinuran niya. Pero kaunti lang naman. “Eh, bakit kayo umiiyak?” tanong ko sa kanya. Hindi pa siya nakakasagot ay may kasunod na agad akong tanong. “Naintindihan ninyo ho ba kung ano ang ibig sabihin ng tula?”

“Hindi ah,” nakakunot noong sagot niya. “Malay ko sa ingles-ingles na 'yan. Naiyak ako nung sinabi mo kaninang... Para sa inyo ni tatay. Naalala ko tuloy ang ama mo. Kung buhay pa sana siya...”

Ay sus. Si tatay na wala na sa piling namin. Ang patay kong ama pala ang nakapagpaiyak sa kanya. Ang walang malay na si tatay na sa bawat sandali ng buhay namin ay nananatiling magandang alaala. Ang buhay naming humihinga ng pananabik at pagnanais na sana ay buhay pa siya. Si tatay na mahilig magbasa ng ingles na diyaryo habang nakasalampak sa bangkito sa labas ng bahay. Si tatay na kayang-kayang makipagtalo sa kanyang kumpare gamit ang hiram na wika. Si tatay na mahilig magsabi ng excuse me at it doesn't matter. Si tatay na naging huwaran ko para mangarap at matutong magsulat ng ingles – nang dahil na rin sa kanyang punit-punit na diksyunaryo. Si tatay na kailanma'y hindi makakahalik sa lupang kinatatayuan ko ngunit sa puso ko... at sa puso naming walong magkakapatid... ay hindi maikakailang hinahanap-hanap namin siya.

At higit sa lahat, si tatay na masipag at walang sawang magtapal nang epoxy sa bubungan tuwing may bagyo. Tatay, miss ka na namin ng sobra.


SHARE THIS POST:

No comments :