WHAT IS KALESA?



Nais nang KALESA na maging patnubay at kabahagi ng Philippine arts and culture.

Tuesday, June 6, 2017

Practical Lessons: Kabayan, bakit ka nga ba hirap sa buhay?

By: Ymatruz | Tuesday, June 6, 2017 Category: |



Kabayan, bakit ka nga ba hirap sa buhay? Naitanong mo na ba ito sa sarili mo? Naisip mo ba ang tunay na dahilan?

Sa kabila nang lima mong anak na hindi mo na kayang buhayin at bigyan ng maayos na tirahan o sapat na pagkain, nagdagdag ka na naman ng bagong anak. Saan mo ngayon kukuhanin ang pambili ng diaper at gatas? Paano na ang dati mong bunso, na ngayon ay isang taon pa lamang at kailangan pa rin niya ng gatas? Ang isa mong anak na hindi mo mabilihan ng bagong sapatos kapalit ng butas niyang suot-suot sa pagpasok sa school. Minsan pa'y nagugutom ang magkakapatid dahil abala ang kanilang ina sa pag-aalaga sa bagong bunso ng tahanan. Hindi ninyo na rin masubaybayan ang kanilang pag-aaral. Nakakapagod ngunit sila ay inyong responsibilidad. Pero, ikaw at ang iyong partner ang tanging susi para mapabuti ang sitwasyon ninyong mag-anak, pagdating sa pera at pag-aaruga sa mga bata.

Kanino ka tumatakbo kapag nangangailangan ka? Sa nanay mong nag-iisa na sa buhay. Hindi mo na nga masuportahan ang iyong dakilang ina sa kanyang pagtanda, siya pa ang iyong inuutangan. Sa halip na inaabutan mo siya kahit kaunting pambili ng gamot sa arthritis, o pambili niya nang bagong duster, sa kanya ka pa rin umaasa. Si inang na hindi na kayang alagaan ang sarili. Kamo ay gipit ka? Eh, ikaw rin naman ang gumawa ng iyong mga problema.

Ang paghihirap sa pera ay nagsisimula sa iyong sarili. Kung maliit lang ang iyong kita at patuloy pa ang paglaki ng iyong pamilya, lalo ka lang mababaon sa hirap ng buhay. Kung maaari sana, konting diyeta sa sex. Magsuot ng condom. Huwag hayaang mabuntis ulit si Misis.

Kapag sapat ang oras na inuukol mo sa iyong mga anak at naibibigay mo ang kanilang pangangailangan ng maayos, lalaki ang iyong mga anak sa matiwasay na tahanan. Magiging ehemplo ka para pagbutihin rin nila ang kanilang magiging buhay sa panahong sila ay magkaroon ng kanya-kanyang sariling pamilya.

Ninanais mo bang matamasa ng iyong mga anak ang hirap na dinanas mo noong iyong kabataan?


Hardships in your life aren't endless loop.


Maari mong baguhin ang iyong tadhana, tungo sa komportableng pamumuhay at magsisimula iyon sa iyong sarili.

Pag-isipan mong mabuti ang mga nabasa mo ngayon. Tulungan mo ang iyong sarili na makaahon sa hirap at tiyak na susunod sa likod mo ang matagumpay na kinabukasan ng iyong mga supling.




SHARE THIS POST:

No comments :