WHAT IS KALESA?



Nais nang KALESA na maging patnubay at kabahagi ng Philippine arts and culture.

Saturday, September 16, 2017

Mahabang Sanaysay: Epoxy, Opisyal na Lahok, 2017 Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, Part 1

By: Ymatruz | Saturday, September 16, 2017 Category:

Sinubukan kong magpasa ng isang lahok sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature. Alam kong ako'y hindi pinalad sapagkat anong petsa na ay hindi pa ako nakarinig ng magandang balita mula sa kanila. Ganunpaman, aking ibabahagi sa inyo ang aking ipinasang sanaysay. Medyo mahaba-habang basahin ito kaya aking ipinapayo na bakit hindi ka muna magtimpla ng kape bago mo ito basahin. Mainam nang may mainit kang iniinom habang nagbabasa bago ka mayamot dahil kasing haba ito ng nobela. Imagine mo yun feeling na ikaw ay nasa Starbucks. Pabasa-basa. Pasosyal-sosyal. Informal essay daw dapat ang ilahok kaya heto ang aking istorya.


PART 1 of 2

Sisang...shit. Naalaala ko na naman. Kapag naiisip ko siya ay nayayamot ako. Nakakasira ng mood. Kasi naman ay napapaluha ako tuwing sumasagi siya sa isip ko. Si Sisang... May bahagi ng puso ko na kumikirot pagkatapos ay magsisimula akong humikbi hanggang tuluyang bumuhos ang tila nag-uunahang luha sa aking mga mata. Sipon tuloy ang inaabot ko. Haist. Si Sisang... Ang mala-reyna na si Sisang – taglay niya ang isa sa pinakamabagsik na unos sa kasaysayan ng buhay namin. Paanong kong malilimutan ang naging pulot-gata ng malakas na hangin at ulan sa alapaap? Saksi ako nung mga panahong iyon. Paano kong malilimutan ang bagyong tumangay sa bubong ng aming banyo't kusina?

Mabuti na lamang at saktong sa may bandang lababo ang nawalan ng takip at panangga sa malakas na ulan, kadamay ang katabi nitong banyo. Dahil dito'y tuloy-tuloy sa paagusan ang tubig ng ulan. Nagdiwang ang aming palikuran sa walang patid na buhos ng tubig, para siyang munting bata na naliligo sa talon. Napuno ang drum. Nalinisan ang sementadong sahig. Nabawasan ang mapanghing amoy ng ihi. Bagong ligo, kumbaga. Nang dahil kay Sisang.

Maigi na lamang din at walang masyadong nabasang gamit, maliban sa iilang kaldero at kawali na nakasabit sa may dingding. Ang mga plato't baso naman ay nasa loob ng asul na dish drainer na yari sa plastik (na ang tawag namin noon ay orocan.) Ang gasul na kalan ay di kalayuan sa lababo at nakatikim din ito ng kaunting tilamsik ng tubig. Sa kwadradong lamesang kahoy ay nandoon ang natirang pagkain kagabi – tuyo at bahaw na kanin, at ang kaunting bigas na nakalagay sa isang tupperware. Nasa may sala naman ang lamesa. Doon din kasi ang aming dining room.

Hatinggabi noon nang magising ako mula sa napakaingay na ngitngit ng hangin. May kung anong malakas na kalampag akong narinig. Pagkamulat ng aking mata ay saka ko napagtanto ang malamig na pakiramdam sa aking noo, na nabasa na pala dahil sa tulo ng ulan mula sa bubungan. Medyo malansa pa nga ang amoy ng tubig ulan. Amoy dumi ng ibon... Amoy kalawang... Amoy ng lumang yero. Tumayo ako at kumuha ng maliit na tuwalya para punasan ang buo kong mukha. Madilim sa kuwarto at brown-out na bago pa ako natulog nang gabing yaon kaya hindi ko na sinubukang buksan ang ilaw. Hindi na bago iyon sapagkat lagi namang walang kuryente tuwing may bagyo. Wala ring tubig sa gripo.

Humiyaw ulit ng napakalakas si Sisang. Nangilabot ako. Diyos ko po. Hindi ko maikubli ang pangamba na baka tangayin ni Sisang ang buong bahay namin. Bumalik ako sa higaan upang silipin ang bunso kong kapatid na sa kanyang pagkakahiga ay baka naliligo na rin ng malansang likido, nang hindi niya alam.

Kapagkuwan ay lumabas ako ng aming kuwarto at nakita ko si tatay at inay na nagising din pala, pati ang iba ko pang mga kapatid. Isang kandilang nakapatong sa lamesita ang naging tanglaw nila habang nag-uusap sa kadiliman ng gabi at ang isang flashlight na hawak ng aking ama na nakatutok sa may bandang kusina, kung saan ay tanaw ang nasirang parte ng bahay. Nagising ang lahat dahil sa bagyo at kalampag ng nawalang bahagi ng bubong. Kung ilang maliliit na palanggana ang napansin kong nagkalat sa sahig. Subalit iyon ay hindi kagagawan ni Sisang. Inilagay ni inay ang mga ito sa bawat malalaking tulo na pumapatak galing sa kisame. Lalo na kung mayroong mababasang damit o kumot. Kiyeme na kung maliit lang ang butas, makukuha naman iyon ng punas at basahang nakaabang sa bawat bagsak ng tubig.

Naging maagap si tatay, katulong ang iba ko pang mga kapatid sa pagkakabit ng isang lumang tarpauline kapalit ng lumipad na yero. Hindi man ito sapat ay naiwasang pumasok ang tubig sa loob ng aming bahay. Bukas ay tiyak na abala si tatay sa pagkukumpuni. Nakita ko sa mukha niya ang pag-asang makikita niya ang nawala naming flying roof. Kasi'y hindi niya alam kung saan kukuha ng pambili ng bagong bubong.

Kinabukasan, ako naman ay abala sa pagtulong kay inay sa pagluluto ng aming walang kamatayang tuyo at sinangag. Wala akong lakas para sa mga gawaing pang-construction. Bulinggit kasi ako. Karag karag ko ang bangkito sa tuwing may aabuting mataas na bagay. Kung ano kasi ang itinaas ng aking grado sa eskwela ay siya naming ikinababa ng aking tangkad. Ayaw ko na lamang sabihin sa inyo kung ano ang aking sukat ngunit isipin mo na lamang kapag nakatayo ako sa pulpito, mapalad ka na kaibigan kung makita mo ang aking bumbunan mula sa iyong kinauupuan. Pero sabi nga ni tatay, "Hindi ang laki ng katawan ang makapagyuyuko sa isang tao upang igalang ka." Hindi na ako nagtanong kung ano iyon kasi masalimuot sa aking pandinig. Kasi sigurado ako na ang kasunod niyon ay mahabang sermon at mga istorya noong panahon niya. Kung ibubuod ko ang kwento ng buhay ni tatay, mauuwi ito sa mga salitang – lumaki siyang hirap sa lahat ng bagay.

Palibhasa'y hindi kami makatulog dahil sa lakas ng bagyo, nag-umpisang magkwentuhan ang lahat. Tawanan habang kami ay nagpapatintero dahil sa mga tumutulong bubong. Paano daw kung ang buong bahay ang masira? Iminumustra pa nang isa kong kapatid ang magiging reaksyon niya kapag nagkataon – ang mukha niya'y tulala, nakabuka ng husto ang bibig at nakalawit ang dila, habang nakatingin ang mata sa itaas. Itsurang nalugi sa sabungan o dili kaya’y parang nakakita ng aswang. Mas malakas ang naging tawanan. Paminsan-minsan ay sinisilip ko si tatay. Sa likod ng kanyang mga ngiti ay dama ko ang problemang bumabagabag sa kanya.

Ilang taon bago ang bagyong Sisang, kapag nakikita ko si tatay na nagkukumumpuni ng mga butas sa bubong, makailang ulit akong nagtatanong kung bakit hindi na lang siya bumili ng bagong yero kaysa paulit-ulit na lang ang ginagawa niya. Wika ko ay hindi ba siya nagsasawa at napapagod sa pagtatapal. Paulit-ulit kasi. Taon-taon, ganun at ganun na lang. Ang laging tugon ni tatay ay, Maari pa namang gamitin. Bakit ka magsasayang ng pera? Sa musmos kong isipan ay okey lang kahit anong isagot niya sa akin. Hindi ko pa kasi naiintindihan noon ang mga usaping tungkol sa kuwarta.


Dalawang araw bago dumating si Sisang, pagkauwi ko galing sa bahay ng isang kaklase na katulong ko sa isang school project, naulinigan ko ang aking mga magulang na seryosong nag-uusap. Silang dalawa ay nakaupo sa may papag, na kanilang tinutulugan sa gabi. Umiiyak si inay dahil wala na raw siyang sapat na budget para pambili kahit bigas. Napahinto ako sa aking narinig. Napaisip. Noong umagang iyon kasi ay masama ang loob kong umalis papasok sa eskwela dahil hindi ako binigyan ni inay ng baong pera – ang pisong nagpapasaya sa akin sa maghapon dahil makakabili ito ng ice candy at kakanin. Noong araw na iyon, malungkot akong pumasok sa eskwela na kadalasan ay nilalakad ko lang din. Idinaan ko na lang sa pagkanta ng Bayang Magiliw habang naglalakad, ang tampo na aking nadarama. May kauting kirot sa puso dahil sa feeling na pinagdamutan ako. Ganun. Ngunit mas matindi ang kirot na naramdaman ko nang sandaling narinig ko ang ikinukubling pighati ng aking ama't ina. Kirot ng awa. Kirot ng wala kang magawa kasi bata ka pa. O mas tama yatang sabihin, kirot ng nakonsensya.

Iyon pala. Kakapusan pala sa pera ang tunay na dahilan kung bakit hindi makabili ng yero si tatay. Nagtitiis na lang sa mga pinaglumaan na minsan ay bigay lang din ng kapitbahay. Hindi mawala sa isip ko ang pangyayaring iyon. Nabuksan ang aking mga mata sa tunay na kulay nang aming buhay. Na kami ay isang pamilya na isang kahig isang tuka. Mahirap. Kapos. Walang pera. Nada. Poor.

Kahit ganun pa man ang sitwasyon namin, may ilang bagay akong kinabibiliban sa aking mga magulang. Kay tatay, inglesero siya kahit hindi nakatapos ng hayskul. Si inay, naku masyadong magaling sa math. Maluluma ang teacher ko kapag nagduwelo sila. Panis si Ma’am tiyak. Yun nga lamang, hindi nakaapak si inay ng hayskul kaya arithmetic lang ang natutunan niya. Ang maganda pa sa kanila, kahit anong hirap kumita ng pera ay naigapang nilang makapagtapos kaming lahat ng hayskul. That's a big achievement itself, hindi ba?


SHARE THIS POST:

No comments :