Ikuha mo ako nang puting kumot, sabi ng matandang lalaki sa aking panaginip.
Nakahubad siya at napapabaluktot habang nanginginig. Ginaw na ginaw sa tingin ko. Nakita ko rin na malapit sa aking mga mata ang kanyang ulunan, ngunit wari ko'y wala akong napansin na buhok. Madilim ang paligid pero may naaaninag akong munting liwanag na nakafocus sa kanya. Hindi ako sigurado kung manipis ang katawan ng matandang lalaki o iyon ay dulot lamang na madilim na kapaligiran. Nagising na ako kinaumagahan subalit hindi mawala sa isip ko ang aking panaginip nang gabing yaon.
Kinabukasan, ikinuwento ko ito sa aking kapatid at tinanong ko sila kung kailan nila huling dinalaw si tatay sa kanyang himlayan.
Noong nakaraang linggo pa, sabi niya. Naisip ko tuloy na baka iyon ay isa na namang muling paalala ni tatay sa amin. Akala siguro niya ay nakakalimutan na siya.
Dalawang taon na ang nakakalipas, minsan ay binanggit sa akin ni inay habang kami ay nag-uusap sa telepono na napanaginipan daw niya si tatay na ginaw na ginaw. Noong time na iyon, ay kakalibing pa lang ng aking ama. Pinapatuyo pa ang semento ng pinaglibingan bago iyon lagyan ng tiles. Nang malaman ko ito, nagbigay ako ng budget kay inay para makabili na agad ng materyales at tiles. Ang aking mga kapatid na lalaki na ang bahala sa labor. Marunong naman kasi sila sa construction works.
Pagkatapos na maisaayos ang himlayan, hindi na muling nanaginip si inay ng kaparehong eksena. Ang mga sumunod ay isang masaya at batang-batang imahe ng aking ama ang kanyang napapanaginipan.
Nitong nakaraang Father's day, nakita ko sa aking panaginip ang aking tatay na fresh na fresh ang mukha at bagong gupit pa nga. Pagkagising ko kinaumagahan at agad akong nagtext sa aking pamilya kung nakadalaw na ba sila kay tatay.
Magkaiba ang aming timezone dahil ako'y wala sa Pilipinas. Habang ako'y tulog ay siya namang gising ng aking pamilya. Sinabi ng aking kapatid na dumalaw sila that Sunday in his tomb (na siya ring Araw ng mga Ama).
Kaya siguro masaya si tatay sa aking panaginip, bulong ko sa aking sarili.
O hayan, isa na namang dream stories ang aking ibinahagi sa inyo. Kung mayroon kayong panaginip na nais ibahagi sa amin, magsend lamang kayo ng mensahe sa aming contact page.
Naniniwala man kayo o hindi sa ibig sabihin ng mga panaginip, mahalagang hindi natin nakakalimutang alalahanin at ipagdasal ang ating mga mahal sa buhay na pumanaw na. Kailangan nila nang spiritual food sa pamamagitan ng ating mga dasal para sa kanilang ikatatahimik.
SHARE THIS POST:
No comments :
Post a Comment