Una kong inilathala ang tulang ito sa aking English website. Ngunit nais kong ilipat ang aking ilang Tagalog na likha dito sa Kalesa Journal. Kung mapapansin ninyo, may ilang artikulo akong patungkol sa aking ama. Siya ang dahilan kaya nagsimula akong mag-blog, para maibsan ang aking lungkot sa kanyang pagkawala dito sa mundong ibabaw.
Mahirap mawalan nang mahal sa buhay lalo pa't malayo ka sa kanilang piling. Higit na mahirap na malaman mo ang biglaang pagbagsak ng kanilang pangangatawan mula nang huli mo silang makita. Ang pakiramdam na akala mo ay ok ang lahat at pagkatapos ng iyong huling bakasyon sa Pilipinas, ay saka darating ang isang malungkot na balita habang ikaw ay nasa abroad.
Para sa aking mga kapwa OFW na nawalan ng ama habang nasa malayong bansa, para sa inyo ito...
Liham ng isang OFW sa kanyang Ama
Itay, isa akong OFW.
Malayo sa ating tahanan
Kagya't malungkot
Puso'y madalas nangungulila
Sa pagdaan ng buwan at taon
Tanging inaasam-asam ay makita
kayong pamilyang iniwan.
Isang hatinggabi...
Isang tawag sa telepono
ang saki'y gumising.
"Kapatid, si Itay ay aming dinala
sa ospital sa may bayan.
Hirap siyang huminga.
Ang presyon ay mababa.
Tila ay umaatake na naman
ang kanyang paboritong sakit."
Paborito pagkat ayaw ka nitong lubayan
mula ng ito'y namahay
sa iyong katawan.
Ayaw kong maglaho
ang inaasam na saya.
Na sa aking pag-uwi
ika'y aking daratnan.
Kagya't taimtim na dalangin
ang laging sinasambit.
Minsa'y napapatulala
pag naiisip ang hinagpis
ng narito sa malayong bansa.
Sabi mo noon isa akong huwaran.
Ngunit tingnan mo, tingnan mo
at wala ako sa iyong tabi
sa kabila ng 'yong kalagayan.
Ilang araw ang dumaan
At ikaw ay nanatili sa pagamutan.
Bagamat hirap ay patuloy kang
lumalaban, umaasa.
Mga taong nagmamahal
ay matiyagang nagbabantay
Nagtutulong-tulong
upang maibsan ang sakit
na iyong dinaramdam.
At isang araw ...
Nakatanaw ang iyong apo
nang nakita ka niyang papalayo
mula sa iyong higaan.
Aba't bumangon ka at lumaya
sa ospital na kasuya-suya.
"Hindi ba't si Lolo yaon?", wika niya.
Lo, saan ka po pupunta?"
Tanong ng iyong apo
na puno ng pananabik.
Ngumiti ka at tumugon,
"Apo, ako ay uuwi na."
Masayang nagkwento
ang musmos na bata.
Mula sa kanyang nakita
di maihalintulad ang kanyang tuwa.
"Uuwi na si Lolo!", aniya.
Namayani ang katahimikan
sa lahat ng naroon.
Lahat ay nangilabot.
(Patlang)...
Pagkat ang hindi alam
ng batang musmos,
Multo ka na lang pala.
P.S.
Binawi ka sa mundong ito
ni hindi kita nasulyapan
Subalit pangako ko sa'yo
anuman ang iyong iniwan,
ikagagalak mo ang
tagumpay ng iyong angkan.
Tagumpay na makabangon mula sa pighati ng buhay ang hangarin ng bawat isang OFW at hindi iyan mawawaglit sa ating isip anumang pagsubok ang dumaan.
SHARE THIS POST:
No comments :
Post a Comment