WHAT IS KALESA?



Nais nang KALESA na maging patnubay at kabahagi ng Philippine arts and culture.

Wednesday, December 6, 2017

Hugot ni Juan: Na-Dengvaxia ka ba?

By: Ymatruz | Wednesday, December 6, 2017 Category: | |
LAMOK

Umuwi si Ate isang araw; matamlay at may sinat
Hindi pa naghahapuna'y umaapoy na ang lagnat
Talima si Nanay, hindi mawari ang gagawin
Si Tatay, abala sa bukid para kami'y may makain.

Hindi ko alintana ang gutom ng aking sikmura
Pinagmamasdan ko si Ate at ang maputla niyang mukha
Kaninang umaga lang ay masaya kaming naglalakad
Naaaliw sa mga bulaklak na namumukadkad.

Tinanong ko si Ate kung anong kurso ang gusto n'ya
Kung sakaling siya'y palaring makapag-aral sa Maynila
Doktora raw ang kanyang nais, manggamot sa mahihirap
Makatulong sa mga kapos ang kanyang tanging pangarap.

Ang sabi ko sa kanya, Ate, kaya mo yan!
Kaya mong matupad, pagkat iba ka sa karaniwan
Hindi ka man yumaman, magiging dakila ka naman
Matutuwa ang ating mga kanayon, sa iyong kabutihan.

Tumutulo ang aking luha habang  si Ate'y nakaratay
Dumudugo ang ilong niya, may pagsuka pang kasabay
Biglang-bigla ang paghina ng kanyang malusog na katawan
Halos walang buhay siyang dumating sa pagamutan.

Ate, Dengue, Dengue pala ang sakit na sa iyo'y dumapo
Kahit na tayo'y natutulog, nakakabit ang kulambo
Ah, hindi nga ba't ika'y naturukan sa eskwela
Ng gamot na Dengvaxia, sabi nila'y mabisang bakuna?

Yang Dengvaxia na dapat ay kanyang naging proteksyon
Mula sa birus ng Dengue, laban sana sa impeksyon
Ngunit naging dahilan ng biglaan niyang pagkakasakit
Itinurok nilang bakuna, di ko mawari kung bakit.

Bumulong ako kay Ate, paulit-ulit, Ate, kaya mo yan!
Kaya mong gumaling; ang Dengue'y kaya mong labanan
Kay bata mo pa upang kami'y iyong iwan
Kay bata mo pa, Ate upang ako'y iyong iwan.

SHARE THIS POST:

No comments :