Ang buhay ng isang tao na kulang sa panalangin sa Panginoon ay kapagminsa'y magulo at wari ay puno ng mga pagsubok. Minsan ang mga problemang dumadagan sa atin ay dulot ng ating mga sariling kamalian at ang iba nama'y gawa ng demonyo na nagkaroon ng pagkakataong tayo ay atakihin at gipitin dahil sa ating mga kasalanan.
Paano ba simulan ang pakikibaka sa labang espiritwal upang makalaya ang ating puso at isipan sa pag-aalala ng ating pamumuhay at kaligtasan?
Unang-una, tanggapin natin na tayo ay makasalanan at nangangailangan ng tagapagligtas at tanggapin natin na ang tagapagligtas na iyon ay si Hesukristo, si Jesus Christ na anak ng Diyos. Nagkatawang tao sya lalang ng espirito santo upang maisalba ang sangkatauhan mula sa kasalanan.
Bawasan natin ang sobrang pag-iisip kapag may problemang dumarating. Sa kabiglaanan ng sandali ay agad ding magdasal at humingi ng tulong sa Panginoong Hesus sa paghanap ng solusyon. Ang mga sandaling inuukol natin sa sobrang pag-iisip ay hindi maganda ang dulot sa ating pisikal na katawan. Gamitin ang mga sandaling iyon sa pagdadasal at pagsambit ng kabanalan ni Abba, ang ating Amang Lumikha sa langit at lupa. Sa halip na isip ng isip, umawit ng papuri sa Diyos o ng Ama Namin o kung ano pa mang relihiyosong kanta na alam ninyo na ang tinutukoy ay ang Diyos. Kapag nananalangin, tandaan na manalangin sa espiritu pagkat ang Diyos ay espiritu. Magdasal ng direkta kay Hesukristo. Ang mga santong kahoy o luwad o larawan ng mga santo ay walang magagawa para sa atin. Ang mga santong kahoy o luwad ay huwag ipasok sa loob ng ating tahanan. Pagkat ang pagsamba sa mga iyon ay taliwas sa pangalawang utos ng Diyos. Mababasa iyon sa bibliya, Exodus 20:2-17 (Exodo) at Deuteronomy 5:6-21 (Deuteronomio).
Inyong tandaan na ang paglabag sa utos ng Diyos ay isang paraan na ginagawa ng demonyo at masamang elemento upang tayo ay usigin. Kung kaya't kapag iniwasan ang kasalanan at sinasaway natin ang mga masamang gawa ng kaaway sa pangalan ni Hesus, makakalaya tayo sa impluwensya ng kasamaan. Ngunit hindi ito isang araw na dasalan at pakikibaka. Ito ay lagi nating sasambitin sa araw-araw o sa tuwina kapag kinakailangan hanggang tayo ay tuluyang makalaya.
Huming ng kapatawaran sa mga kasalanan palagi. Kung sa tingin mo, ikaw ay nagkasala o nagisip ng masama sa iyong kapwa, sa sandaling iyon ay iyong mapagtanto, agad na humingi ng tawad sa Diyos. Magdasal din kay Abba na ating Amang Makapangyarihan na ikaw ay linisin mula ulo hanggang paa ng banal na dugo ni Hesus Kristo. Humiling din sa kanya na ibigay sa iyo ang kagayakan ng Diyos (ito ang tinatawag nilang full armor of God). Pagkatapos ay humiling na balutin ka ng dugo ni Hesus at ang buo mong pamilya at humiling din ng proteksyon laban sa kahit anong kasamaan at panganib para sa iyo, sa iyong pamilya, trabaho, tirahan, kalusugan, kaibigan at alagang hayop.
Upang maibsan ang pag-aalala, sumambit ng dasal o awit ng papuri sa Diyos. Gawin din ito kung ikaw ay nanaginip ng hindi maganda. Ipagdasal ang mga inosenteng tao sa iyong panaginip na sila ay pangalagaan ni Hesus at ilayo sa kapahamakan. Maniwala at huwag pagdudahan na tinutugunan ng Diyos ang iyong mga panalangin. Basahin at unawain ang bibliya. Sa simula ng iyong pagbabasa, hilingin ang paggabay ng banal na espiritu upang bigyan ka ng karunungan at pang-unawa sa mga salita ng Diyos.
SHARE THIS POST:
No comments :
Post a Comment