Ang isang ina
kapag naiwang nag-iisa,
wala nang kaagapay
sa paggabay
sa kanyang tatlong supling,
na lahat ay munti pa
at mga walang malay
na ang kanilang tatay,
kailanma'y di na uuwi
sa hirap nilang buhay.
Ang isang ina
kapag naiwang nag-iisa,
sukdulan man ang hapdi
ay pilit ikinukubli
sa kanyang tatlong supling
na lahat ay munti pa,
ang pait at pighati.
Damdaming namumuhi
ay kanyang idadaan na lamang
sa gabi-gabing paghikbi.
Ang isang ina
kapag naiwang nag-iisa,
ang tanging aako rin
sa pagiging ama.
Magluluto
maglalaba
araw-araw magtitinda
tangan-tangan ang bilaong
magpupuno
sa gutom
nilang mag-iina.
~ ymatruz
SHARE THIS POST:
No comments :
Post a Comment